Minsan isang araw, sa palengke, natutunan ko ang kabuluhan ng pagaaral. Ang magaling na mag-aaral pala ay maihahalintulad mo sa sago. Maliban sa pagiging malambot, madulas, at matamis ng lutong sago, may ilan pang mga katangian ito na makapagpupukaw sa ating diwa.
Sa palengke, ang mga bilugang sago ay makikita sa mga palanggana habang nakababad sa tubig. Para silang kumpol-kumpol na itlog ng palaka. Animo'y tulog at masarap gisingin. Ang ilan ay may puti sa gitna at ang iba nama'y wala. Nangilabot ako sa kanilang itsura. Napagpasyahan kong huwag ng lahukan ng sago ang aking lulutuin.
Naghihintay ako ng taxi sa Magsayasay ng maisip ko ang mga bagay-bagay na ito. Isipin din ninyo. Ipagpalagay na ang mag-aaral ay sago, samantala ang tubig ay kaalaman. Kapag ang sago ay iyong pinitpit at pinisil, walang tubig ang sisirit. Sa gayon, may kung anong hiwagang nagagawa ang sago sa tubig, kasing lawak ng nagagawa ng magaling na mag-aaral sa kaalaman.
Ang mundo ay nagiging silid-aralan, at ang kalsada ay nagiging silid-aklatan ng isang magaling na mag-aaral. Siya ay lagi na lang mapagmasid, mapagdamdam, mapagtanong at mapagtuklas, saanman, kailanman. Siya ay laging bukas ang isip at handang mag-ipon ng kaalaman. Kung gayon, tama bang ihalintulad ang isang mag-aaral sa spongha? Kung ang spongha ay pipilipit, tiyak na na purong tubig ang sisirit mula sa kanya. Hindi katulad ng sago. Ganito ba ang mag-aaral?
Si Deleuze ay nagmumungkahi na ang mga katanungan ay dapat na pagganap o praktikal na: "kung ano ang gawin ito?" o "kung paano ito gumagana?", panghalip ng tradisyonal na mga katanungan ng identidad tulad ng “ kung totoo ito?" o "kung ano ito?", Gayundin, sa mundo na kaniyang silid aralan, sa kalsada na kanyang silid-akalatan, paano siya kung mag-aral? Paano?
Sa isang pagtinging maka-Deleuze, ang pilosopiya ay mas malapit na kabagay ng praktikal o malikhaing produksyon kaysa ito ay pandagdag sa isang depinitibong paglalarawan sa umiiral na mundo. Gayundin, sa halip na makita ang pilosopiya bilang isang walang hanggang pagtuklas ng katotohanan, dahilan, o mga universals, si Deleuze ay tumutukoy sa pilosopiya bilang pagbuo ng mga konsepto. Sa pagaaral, parehong ang paglarawan at paglikha ay makabuluhan ngunit, maaring tumigil ang isang mag-aaral sa paglarawan lamang. Kawalan sa kanya ang pangyayaring ito. Tanungin ang sarili kung tayo ay napagiwanan na lang sa paglalarawan ng mundo? Parang isang spongha, oo nga’t bukas ang isip, ngunit hindi makuhang baguhin ang anumang kanyang sinipsip mula sa kanyang mundo. Siya ay mapagtuklas lamang. Sa kabilang banda, sa tubig, ang matigas na sago ay naglalagi ng sapat, hanggat ang tubig ay magklangkit, mag-iba ng kulay, at masipsip ng sago, upang maging kaisa sa pagiibayo ng kanyang pagkasago. Ang sago ay masasabing mapagbuo kaiba sa pagiging mapagtuklas.
Ito naman ang magaling na pag-aaral: ang pagiging parehong mapagtuklas at mapagbuo. Ang mag-aaral na ito ay hindi lamang nagdadagdag ng mga impormasyon at mga teoriya na naglalarawan sa mundo bagkus siya rin ay bumubuo ng mga bagong konseptong hiwalay sa anumang mundo o diskurso. Ang mga konseptong ito, tulad ng mga buo ni Deleuze, Hegel, atbp, ay siya namang nagpapahintulot ng marami pang pagtutuklas at paglalarawan sa ating mundo.
Sa pagkaapukaw ko habang na sa aking pagninilay-nilay napabalik tuloy ako sa palengke para bumili ng sago. Oo nga't hindi kaaya-aya ang kanilang itsura, pero hindi naman importante ang pagtingin ko. Ang mga lutong sago sa plastik, madulas, malagkit, parang itlog ng palaka, ngunit matamis, malambot, at malinamnam naman ay makapagpapamalas ng kanyang sarap kapag hinalo ko na sa aking bilo-bilo. Ang mga mag-aaral na nakapambahay, nakatsinelas, haggard ang mukha, ngunit mapagbuo at mapagtuklas naman, ay makapagpabusog sa gutom na diwa ng lipunan, at sa kumakalam na sikmura ng katarungan.
Parot
ANALOHIYA NANG EPISTEMOLOHIYA
“Creative activity could be described as a type of learning process where teacher and pupil are located in the same individual.
Arthur Koestler
Napagmasdan niyo na ba ng mabuti ang pinintang obrang ito sa lobi. Pinag-aaralan ko si Deleuze panahong mabigyang pansin ko ang obrang ito. Masama kaagad ang dating sa akin ng parot sa larawan. Sa aking tingin, ang paggamit sa simbolong ito ay humahamak sa imahe nating mga taga-UP.
Ayon sa isang onlayn na diksyunaryo, ang parot sa kayarian ng pandiwa ay may mga kabuluhan na: (1) ulitin o tularan nang walang pag-iisip o pag-unawa. (2) gayahin sa parehong paraan. Kung tayo ay sasang-ayon sa ganitong depinisyon ng parot, para narin nating sinabi na ang mga mag-aaral sa UP ay mga gaya-gaya lamang.
Maiba muna tayo. Sabi nila, masamang sumuway sa turo ng Bibliya. Masama ring sumuway sa turo ng ating mga magulang at nakakatanda.Pero masama rin bang sumuway sa turo ng ating mga guro? Sabi-sabi nila na kailangan ng isang mag-aaral na basahin o tantsahin ang mga inaasahan ng kanilang mga guro para makakuha siya ng mataas na marka. Naayon dito, hindi maaring umasa ang isang mag-aaral sa sarili niyang diskarte sa kanyang pag-aaral. Pinapakita ng ganitong kaisipan ang pagtingala ng mga magaaral sa kanilang mga guro.
Sinu-sino ba ang ating mga guro? Pwede kong sabihin na sila yung nagtuturo sa likod ng lektern sa mga silid-aralan. Bagkus, hindi maipagkakaila na sila rin yung mga personalidad na nakapatuturo sa atin kahit na hindi natin sila nakakaharap o nakakausap. Ilan sa kanila ay sina Noam Chomsky, Bertrand Russel, at Louis Leithold na sa mga libro lang natin nakilala. Patay o buhay, estranghero o kakilala, lahat sila ay maari nating kapulutan ng aral. Ang ilan sa kanila ay hinahangaan pa natin. Isinusulat natin ang kanilang mga sinasabi, isnasaulo, at ibinabahagi na parang salita ng Diyos. Lagi na lang nating inaalam, binabalikan, tinitingala ang kanilang mga konsepto. Paulit-ulit tayong nagpapakaspongha at patuloy na dinaragdagan natin ang mga tuklasin at paglarawan sa ating mundo, samantala kapos tayo sa pagbuo ng mga konsepto.
Ayon kay Deleuze, “Ang mga pilosopo ay nagpapanukala ng mga bagong konsepto, ipinaliliwanag nila ang mga ito, ngunit hindi o hindi lubos nilang sasabihin, ang mga problema na kung saan ang mga konseptong ito ay isang tugon. Ang kasaysayan ng pilosopiya, sa halip na paulit-ulit na pagbalik sa mga sinasabi ng mga pilosopo, ito ay ang pagbihag sa kung anu-ano ang mga bagay na hindi nabigyang pansin; maaring hindi niya mismong sinabi, gayunman hindi maipagkakailang buhay sa kanyang sinasabi.” Ang sinasabi ni Deleuze, sa halip na alamin kung ano ang mga sinabi, alamin kung ano ang mga hindi sinabi. Upang basahin ang mga kaisipan ay hindi na sa layuning paghahanap ng tiyak at nag-iisang interpretasyon, ngunit sa halip, ipakita ang pagtatangka ng may-akda sa pakikipagbuno sa mga nakapagdududag katangian ng katotohanan. Kapag nabihag na ng mag-aaral ang mga problemang ito ukol sa mga sinasabing katotohanan, mabubuksan ang maraming opportunidad para siya ay makabuo ng konsepto sa kanyang sarili.
Ang tunay na pagiisip ay isang marahas na paghaharap sa katotohanan, isang natural na pagkalagot ng mga itinatag ng kategorya. May mga makapangyarihang mga istrukura o mga idelohiya na kailangang buwagin upang ipakita ang mga bagay hindi tahasang nababanggit, bagkus lumilitaw pagkaraang maalis ang mga balakid. Dekonstruksyon ang pangalan na ibinigay ng Pranses na pilosopong si Jacques Derrida sa isang paraan (maging sa pilosopiya, panitikan, o sa iba pang mga disiplina) na kung saan hinahamak ang mga kahulugan ng isang teksto sa punto ng kapahamakan ng mga opposisyon kung saan ito ay tila itinatag, at upang sa punto ng pagpapakita ng mga pundasyon ay hindi matibay at imposible. Magagamit ang ganitong disiplina panlaban sa pagpa-parot. Kaysa tanggapin ang anumang tekstong hain sa loob at labas ng unibersidad, mainam na tanungin at kilatisin natin ang mga sinasabi nito upang matuklasan ang mga hindi sinasabi sa teksto. Kung haharapin ng isang mag-aaral ang mga teksto sa ganitong paraan, malalampasan niya ang pagpa-parot. Hindi na lamang siya umuulit o nagsasaulo ng konsepto ng iba bagkus siya mismo ang bumubuo ng mga konsepto upang punuan ang mga butas at kapintasan ng iba’t ibang mga istruktura at idelohiya.
Ang mga sikat at magagaling na unibersidad ay nakikilala sa buong mundo dahil na rin sa mga mag-aaral nito na may bagong panukala o konsepto. Ang mga mag-aaral ng UP ay marami nang kuntribusyong mga bagong konsepto at tuklas sa buong mundo o sa iba’t ibang mga maka-akademikong, maka-pulitika at iba pang mga grupo. Ang mga mag-aaral ng UP ay hindi basta lamang “nag-aaral” o nagpapakadalubhasa sa mga konsepto ng iba bagkus ay bumubuo ng sariling mga konsepto. Sa wakas, ang pagiging mag-aaral ay hindi isang panghabang buhay na trabaho. Ang pag-aaral ay hindi lamang basta pag-aaral kung hindi pagtuturo din. Hindi lamang siya dalubhasa ng kaalaman bagkus pinagmumulan din ng kaalaman kapantay nina Socrates, Descarte, at Marx.
ANALOHIYA SA KONTEKSTONG ESKWELA
“Honor is like a match: you can only use it once.
Marcel Pagnol (1895 - 1974)
French dramatist, filmmaker, and scriptwriter.
Marius
Isa sa mga napili naming suriin at gawan ng Semiotic Analysis ay ang litratong ito (hindi namin sariling kuha) ng isang posporon sinisindihan.
Ang Semiotics o Sign Relations ay ang pag-aaral ng lahat ng klase o uri ng mga simbolo, kung ano ang kanilang mga kahulugan at mga ipinahihiwatig, at kung papaano sila naiiugnay sa mga bagay o ideya na tinutukoy nila. Kung gagamitin ang Saussurean Tradition of Semiotics, ang tungkulin ng isang semiotician ay ang tumingin sa mas malawak na espasyo sa labas ng teksto o mga gawi sa sistema na sila mismong umiiral sa loob ng mga simbolong ito.
Naisip na ba natin kung posible ang analohiyang ang isang klase o classroom ay isang bahay-posporo, kung saan ang mga palito sa loob nito ay ang mga estudyante? Pare-preho ng hitsura at hindi nagkakalayo sa isa’t isa ang gamit ng bawat palito – ito ay ang maikiskis sila sa gilid ng bahay at makapagbigay ng liwanag at init. Kung iisipin, ang sandaling maikiskis ang palito sa gilid ng bahay at makapagbigay ito ng apoy ay maiihalintulad sa kaganapan ng pagkakatuto ng isang esudyante. Hindi lahat ng palito ay sumisindi at nagiging kapaki-pakinabang. Ang ilan sa mga ito ay hindi nakapagbibigay ng apoy, ikiskis mang paulit-ulit sa gilid ng bahay. Minsan, ganoon din ang ilang mga estudyante. Lahat sila ay inaasahang sumindi, o matuto ngunit hindi lahat ay nagtatagumpay.
Ang salitang estudyante o student sa Ingles ay katumbas ng salitang Latin na studere na ang ibig sabihin ay “to be diligent” o maging masikap at masipag sa anumang gawain. Ibig sabihin ba nito, ang isang estudyante ay inaasahang maging masipag at masikap sa lahat ng oras? Kailangan ba talagang ito lagi ang dalhing depinisyon ng pagiging isang estudyante? Matatawag bang estudyante ang mga hindi masisipag? Makakaapekto ba ang pagtuklas sa etimolohiya ng salitang “student” sa obligasyon na kailangang kargahin lagi ng isang estudyante?
Ating isipin: kahit sumindi man ang isang palito – nagtagumpay man ang estudyanteng matutunan ang lahat nang itinuro sa kanya sa loob ng eskwelahan, mayroon at mayroon pa rin itong limitasyon – nauubos ang palito, at ang apoy at liwanag ay uniti-unting nawawala. Hindi ba’t ang estudyante ay may limitasyon din? Ang pagkatuto nito’y may kasukdulan at dadating ang punto na wala na itong maibibgay pa, ni mapipiga ay wala na rin.
Mula sa litratong makikita sa itaas, maipapalagay kayang ang kamay ay ang siyang nagmamano o komokontrol sa palito? Kung ito mismo (kamay) ang nagkikiskis sa palito sa gilid ng bahay nito upang makagawa ng apoy, masasabi kayang sa kanya rin nakasalalay ang pagsindi ng palito? Nabanggit natin na may mga palitong nawawalan ng gamit o ‘silbi’ dahil sa hindi sila sumisindi kahit pa may ilang ulit na itong ikiskis sa bahay. Nasa sa estudyante ba ang kasalanan o kamalian na nagbubunga ng pagpalpak o hindi pagtatagumpay, o nasa mismong nagmamanipula o namamahala dito? Kung ito ay ilalagay sa konteksto ng classroom malamang ay ang kamay ay ang guro mismo. Masisilip ang dalawang pag-aanalisa dito: 1.) ang estudyante ay lumalagpak at nariyan ang posibilidad na hindi niya kasalanan ito, bagkus ay nasa guro ang sisi sapagka’t nariyan din ang posibilidad na hindi niya ito hinawakan o tinuunang mabuti ng pansin; 2.) ang estudyante ay sadyang hindi matuto anumang ‘kiskis’ o pagsusumikap ng gurong matuto ito.
COSTO$O CONTRA BARATO
(mamahalin laban sa abot-kaya):
ANALOHIYA SA PRESYO NG ESKWELAHAN
“Buy stocks like you buy your groceries, not like you buy your perfume.
Warren Buffett (1930 - )
U.S. financier.
Fortune
Ang Semiotics sa orihinal na depinisyon ni Ferdinand de Saussure ay “ang siyensiya ng buhay ng mga simbolo sa lipunan.” Kaya sa tekstong ito ay napili naming gamitin ang sanga ng Semiotics na Social Semiotics – kung saan nakapapaloob ang mga kondisyon o sitwasyong panlipunan at kultural. Masasabing ang social semiotics ay ang pag-aaral ng panlipunang aspeto ng mga kahulugan. Maipapaloob na rin dito ang kapangyarihan ng pagbibigay ng kahulugan o interpretasyon na maaaring naapektuhan ng lipunan – ito ang semiosis na nauna nang ginamit ni Charles Sanders Pierce upang ilarawan ang proseso ng pagbibigay-kahulugan sa mga simbolo na tumutukoy sa mga partikular na bagay. Ang tinatalakay na tema ay gagamitan din ng pag-aaral na cultural o cultural studies – isang larangan sa akaemya kung saan pinagsasama-sama ang ekonomiyang pampulitikal, sosyolohiya, komunikasyon, mga teoryang pampanitikan, at panlipunan, antropolohiya, pilosopiya, pagbibigay-kritisismo sa isang anyo ng sining, at pag-aaral sa mga pangyayaring nakabase sa kultura ng isang partikular na komunidad.
Ang kuhang ito (sariling kuha) na nagpapakita ng dalawang klase ng pabango: ang mumuumurahin at mamahalin, ay napili naming isama sa analohiyang aming ginagawa dahil sa aming palagay ay isa itong payak ngunit magandang ehemplo ng kung papaano ikumpara ang mga mamahaling eskwelahan sa ibang mga abot-kaya lamang.
Hindi namin sigurado kung tama ang paggamit ng salitang “lamang” sa naunang talata bilang bahagi ng deskripsyon ng aming analohiya sapagkat ang paggamit ng salitang ito ay nangangahulugang isang imperyor na bagay ang aming binabanggit – imperyor sa isang superyor na bagay o ideya.
Ang analohiyang cologne : perfume ay maihahalintulad sa analohiyang public university : private university. Ang cologne kagaya ng perfume ay pareho namang ginagamit bilang pabango. Ang public university tulad ng private university ay pareho ring eskwelahan o akademya. Hindi ba’t karaniwang realidad sa kasalukuyan ang bumili ng cologne upang makatipid at perfume upang makasiguro sa kalidad ayon sa ilan.
Sa ating bansa, karaniwang tinitingnan ng mga tao sa lipunan ang isang hindi naman ganoong kahalagang salik sa pagpili ng paaralan o unibersidad: ito ay kung ang paaralan ba ay pampubliko o pribado. Karaniwan ding may nosyon ang ilang mga tao na mas magandang manatili sa isang pribadong paaralan kaysa sa pampubliko. Sinasabing may kakayanan sa buhay ang isang taong nag-aaral sa pribadong paaralan, at marahil ay may kasalatan sa buhay o hindi ganoong kayaman ang taong piniling manatili na lamang sa pampublikong paaralan.
Ang pagkakakuha sa larawan ay hindi aksidente. Bawat anggulo ay may kahulugan. Pansining ang cologne ay nasa likuran lamang ng isang hindi hamak na mas mahal na perfume. Nasa matangkad o may kalakihang lalagyan na gawa sa plastik ang cologne at ang perfume naman ay nasa isang maliit o ‘pandak’ na lalagyang babasagin. Nailagay ang perfume sa unahan ng cologne hindi dahil sa mas maliit ito at hindi na makikita kung ilalagay sa unahan nito ang cologne, kundi dahil sa mas kaaya-aya itong tingnan at mas nakatatawag-pansin dahil sa maganda nitong lalagyan. Hindi ba’t mas kaaya-aya rin ang mga pasilidad sa loob ng mga pribadong paaralan kumpara sa ganoon ng mga pambliko. Mas malaki ang nakalaang pondo ng nagpapatakbo dito kumpara sa pondong inilalaan ng gobyernong nagpapatakbo ng pampublikong paaralan. Nagbabayad ka ng mahal para sa perfume dahil sa mas mahal ang mga materyales at sangkap na ginamit dito at sa lalagyan nito – na may nakasulat pang eu de toilette o eu de parfum at may kasama pang Made in Paris o USA. Dahil raw dito ay masasabing ang perfume ay mayroong mas mataas na kalidad laban sa mumurahing cologne. Ang lalagyan ng cologne sa litrato na may nakasulat pang DAILY SCENT ay sinadyang pangalanan ng ganito ng kumpanyang gumagawa nito. Dahil sa murang presyo nito ay maari mo nga namang araw-arawin ito at maaari ka pang magpalit-palit ng cologne araw-araw. Nagbabayad ka ba ng mas malaking halaga sa pagpasok mo sa isang pribadong paaralan dahil sa mas magaganda ang mga pasilidad dito? Mura ba ang matrikula ng isang paaralan dahil walang kalidad ang turo rito? Minsan pa nga ay halos hindi naman nagkakaiba ang kalidad ng mga mas mumurahing pabango sa mga mamahalin. Pangalan o brand lamang ang ipinagkaiba. Pangalan nga lamang ba minsan ang ating binabayaran? Sa mga eskwelahan, pangalan lamang ba talaga ang binabayaran o tinitingnan? Maihahalintulad natin ito sa sitwasyon ng Unibersidad ng Pilipinas. Maaaring mas mura ang matrikula sa UP kumpara sa ibang unibersidad dito sa Pilipinas na nagbibigay din naman halos parehong kalidad ng edukasyon na makukuha mo sa UP.
Para kay Antonio Gramsci, isang iskolar sa Central for Contemporary Cultural Studies (CCCS) sa United Kingdom, makikita sa teorya ni Karl Marx tungkol sa superstructure na ang pinakatampok na instrument ng politikal at sosyal na pagkontrol ay ang kultura. Ang pinakasusi sa lahat ng mga sistemang ito ay ang cultural hegemony. Nabanggit na ni Isagani R. Cruz sa kanyang Ang Papel ng Kritiko’t Kritika sa Ating Lipunan ang salitang ‘gahum’ na ayon sa kanya ay katumbas ng salitang hegemony sa Ingles. Ito ay nanggaling sa salitang Cebuano na ang ibig sabihin ay kapangyarihan o lakas. Ang presensya siguro nito sa lipunan ang kailangan mapagtanto ng mga tao. Kailangan nating mga tao sa lipunan na labanan ang lahat ng uri ng gahum na siyang nagluluklok sa isang may kapangyarihan o naghaharing uri sa isang hindi matinag-tinag na posisyon, isa mga papel ng isang kritiko/a na nailahad ni Cruz sa kanyang sanaysay.
Ito rin siguro ang kaso ng analohiyang cologne : perfume – kapitalismong kumalat sa buong mundo, isang prosesong mas kilala rin sa tawag na globalisasyon. Sa cultural studies ay inaaanalisa kung paano lumabanan ang mga lokal sa pandaigdigang pagdodomina ng Western Hegemony o ng kanluraning gahum. Mas tinatangkilik natin ang mga mamahalin at gawang kanluran, e.g. mga gawang Estados Unidos, Pransya, Italya, at ilan pang mga bansa sa buong mundo higit na nakakaimpluwensiya sa atin. Mas mataas kasi ang pagtingin natin sa mga kanluraning produkto kaysa sa mga lokal o bakya kung tawagin. Kabaliktaran nito ang kung tawagin noon ng mga Pilipino na burges o class, at ngayon ay coño o sosyal. Minsan na itong tinalakay ng lokal na manunulat na si Jose F. Lacaba sa kanyang sanaysay na Burges at Bakya…
“Kasalungat ng bakya ay class. Wa’ class ang anumang bagay na bakya. Class ang wisking stateside, ang sigarilyong blue seal, ang umingles na parang Atenista, ang estilong Amboy na pananamit, ang mga pelikulang Hollywood, ang mangangantang gaya ni Joan Baez na hindi kilala sa Pilipinas kundi ng iilan. Class ang mga bagay-bagay na kayang bilhin lang ng mga mayayaman…Pinakamagaling na sa lahat ang class. Ito’y bagay na pwedeng ipagyabang, kaya’t ambisyon ng maraming wala namang kaya ang magpa-class.”
Ito marahil ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit mas pinipili o pangarap pa nga ng iba na makatungtong ng isang mamahaling unibersidad, kolehiyo, o paaralan. Upang matawag na ‘sosyal’ ay gagawin lahat ng isang ordinaryong tao na makatikim din ng natitikman ng isang class na tao. Iiwanan ang bakyang cologne at gagamit ng sosing perfume.
Hindi lahat ng makababasa ng analohiyang ito ay maipapalagay ang sarili niya rito at sasanga-ayon dito. Ang katotohanan na hindi iisa ang maaaring pagtingin o pagbasa ng audience dito ay ang siyang importanteng implikasyon ng social semiotics – ang mga kahulugan ay nahuhubog ng mga relasyong may kinalaman sa kapangyarihan, at ang distribusyon ng kapangyarihan sa lipunan ay nag-iiba.
Sources:
Anotonio, Buenaventura, Constantino, et al. Komunikasyon at
Lipunan: mga babasahin sa wika at lipunang Pilipino para sa
kolehiyo at unibersidad. Burges at Bakya. Quezon City: University of the Philippines Press, 1981
Cruz, Isagani R. Bukod na Bukod: Mga Piling Sanaysay. Ang Papel ng Kritiko’t Kritika sa Ating Lipunan.
Quezon City: University of the Philippines Press, 2003
Cultural Studies. http://en.wikipedia.org/wiki/Cultural_studies (accessed September 11, 2009)
Social Semiotics. http://en.wikipedia.org/wiki/Social_semiotics (accessed September 7, 2009)
Bibliyograpiya:
Delueze Gilles. Negotiations, 1972-1990. Trans. Martin Joughin. New York : Columbia UP, 1995. Trans. of Pourparlers, 1972-1990. Paris : Les Editions de Minuit, 1990.
Gilles Deleuze, Desert Islands and Other Texts, 1953-1974, trans. Michael Taormina (Los Angeles: Semiotext(e), 2003) ISBN 1584350180
Deleuze, Gilles et Félix Guattari. 1991. Qu'est-ce que la philosophie? Paris: Éditions de Minuit. [English Translation: What is Philosophy? Translated by Hugh Tomlinson et Graham Burchell. New York: Columbia University Press, 1994.]
ANALOHIYA NANG MAG-AARAL
“You see things; and you say “Why?” But I dream things that never were; and I say “Why not?”
George Bernard Shaw "Back to Methuselah" (1921), part 1, act 1
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment