Wednesday, September 16, 2009

Ang Sakal ng Kasal sa mga Hindi pa Kinakasal by Fagjun Mari S. Santos

1. Mahaba-haba man ang Lalakarin...
Sa magaganap na diskusyon dito, at sa paksang tatalakayin, ang mainam na gamiting pamamaraan ng pagtatalakay ay ang pagsuri sa tunggalian. Linalayong maipakita habang lumalawak ang diskusyon ang tungglian na namamagitan sa dalawang grupo ng tao sa lipunan, na maipapakilala mamaya.
Mahaba-haba man ang lalakarin sa altár pa rin makakarating.
Ito ay isang popular na kasabihan ng mga Pilipino ukol sa mga romantikong relasyon sa pagitan ng dalawang tao. Ang proseso ng isang pag-iibigan, gaano man kahabang panahon ang itinagal, ay iisa at iisa din naman ang kahahantungan. Sa katunayan, nakikitang legal o morál o tunay na matibay na ang isang relasyon sa pamamagitan lamang ng pagpapakasal. Mula sa pagiging magkarelasyon lamang, kayo ay mag-asawa na; matibay na ang relasyon sa mata ng simbahan, ng batas, at ng lipunan. Pero ang tanong dito ay kung ano nga ba talaga ang ipinagbago ng isang taong hindi kasal (ang isang taong hindi kasal ay tatawagin nating malaya sa diskusyong ito) kapag siya ay nagpakasal na.
Ilagay natin ang tanong na ito sa ibang konteksto. Maraming tawag ang Pilipino sa bigas, at ang mga tawag na ito ay base pa sa kalagayan ng bigas na tinutukoy: maaaring ito ay palay pa lang, o bigas na, o sinaing, o kanin na luto na at ihahapag na sa kainan. Maraming pangalan para sa iisang bagay lamang na dumaan man sa iba’t-ibang proseso ay siya at siya pa rin naman.
Ganito tinitingnan ng mga Kanluranin (at siyempre, ng maraming Pilipino na rin) ang kasal—isang proseso. Naroroon ang tinatawag nilang engangement, o ang pagbitaw ng pangakong kasal sa pagitan ng dalawang tao. Naroroon ang tinatawag nilang wedding, ang kasal, o ang seremonya o ritwal kung saan ang pangako ng engagement ay binibigyang tibay. At sa huli, naroroon ang marriage, o ang estado—ang pamumuhay—ng dalawang kinasal bilang mag-asawa. Pero bago nitong tatlong nabanggit, ang isang tao ay malaya, hindi kasal, walang asawa, at bagkus ika nga nila ay walang sabit.
Maaari natin itong tingnan bilang isang proseso. Mula sa pagiging malaya, susundan mo ang prosesong nabanggit sa itaas tungong pagiging isang asawa. Pero sa diskusyong ito, titingnan natin ang sitwasyong ito bilang isang kaso ng tunggalian.
Isa itong kaso ng tunggalian dahil ang isang kalagayan ay mas pinapaboran kaysa sa isa pang kalagayan. Dahil pa may isang kalagayang pinapaboran, ang mga taong wala sa kalagayang ito ay malamang nakararanas ng tipo ng diskriminasyon o tinitingnan na mas mababa ang antas sa lipunan. Ang pagiging kasal ay mas pinapaboran kaysa sa pagiging malaya. Dito makikita ang sakal ng kasal sa mga hindi pa kinakasal. Ang mga malaya ay nakakaramdam ng pangangailangang maging isang asawa, mapunta sa kalagayang mas pinapaboran ng mga institsyon ng lipunan—ekonomiya, relihyon, pulitika, at iba pa. Ang dalawang sitwasyon—ang pagiging kasal at pagiging malaya—ay dalawang bahagi ng iisang proseso, ngunit sila ay nagpapakita ng tunggalian.

2. Patriyarka, Kanluraning Batayan, at Lokal na Konteksto
Sa pamilya namin, ang dalawa kong tiyahin na hindi nangibang bansa matapos mag-aral ay hindi umalis sa poder ng kanilang mga magulang hanggang sila ay magpakasal. Sa katunayan, and pag-alis sa poder ng magulang mo sa dahilang hindi pag-aasawa ay tinitingnan ng aming pamilya (at ng iba pa palang mga pamilya) bilang isang bagay na kakaiba at taliwas sa kung ano ang nararapat. Kumbaga, ang dalawang lehitimong dahilan para iwan ang poder ng iyong magulang ay kasal o pangingibang bansa upang magtrabaho.
Dahil ito—ang sitwasyon ng aming pamilya—ang naging basehan ng diskusyong ito, ang pagmumuni-muning nakasaad sa papel na ito karamihan kung hindi man lahat ay personal na pag-iisip. Sa sitwasyon ng pamilya namin makikita ang isa pang manipestasyon ng sakal ng kasal sa mga taong malaya. Dahil ang kasal ay tinutring na isang simbolo ng integridad, at tinitingnan din bilang isa sa dalawa lamang na dahilan pang iwan ang poder ng iyong magulang, may kapit, may paniniil na kaagad sa iyo bilang isang malaya ang kasal.
Nabanggit sa nakaraang bahagi ng diskusyon ang Kanluraning pagtingin sa kasal. Ayon kay Hélène Cixous, ang kasaysayan ng Kanluran ay kasaysayan ng patriyarka. Mayroong direktang koneksyon ang kasal at ang patriyarkang dinala ng mga Kanluraning mananakop dito sa Pilipinas. Ito ay makikita habang lumalawak ang diskusyon.
Sa isang mag-asawang matatawag na steryotipikal o tradisyunal, makikita ang pagkadehado ng babae sa sitwasyong iyon. Maaring may mga mag-aasáwa na mas dehado ang lalaki, o di kaya ay walang dehado at naatataas, patas lang ang katayuan sa kasalan. Pero sa karamihan, mas dehado talaga ang babae. Ang kasalan ng isang babae at isang lalaki ay isang manipestasyon ng patriyarkang domestiko. Suriin natin: kapag nagpakasal ang isang lalaki at babae, kadalasan ay kinkuha ng babae ang apelyido ng lalaki. Kahit pa man sabihin natin na ito ay pangalan lamang, isang salitang nakasulat lamang sa papel, ang pangalan pa rin ay bahagi ng katauhan ng isang tao. Bahagi ito ng pagkakakilanlan ng isang tao, ng isang babae, sa kanyang sarili. Sa pagpapakasal, dahil nagpapalit ng pangalan ang babae, nagsasakripisyo na siya kaagad ng isang bahagi ng kanyang pagkatao.

3. Kakasa Ka ba (sa Kasal)?
Masasabing ang kagustuhan ng karamihang taong malaya na magpakasal ay isang manipestasyon ng tinatawag na evolutionary pressure na magkaanak at panatiliin pa ang lahi ng mga tao dito sa mundo. Ngunit ito ay isang pagtingin na maaring makita bilang isang pagrarason lang na pabor sa kasal. Sa katunayan, ang pagpapakasal ay isang paraan ng reaksyonaryong patriyarka para mapanatili ang posisyon nito bilang mas nakatataas. Sa anong paraan? Sa pamamagitan ng pagpapanatili sa tradisyunal na pagtingin sa kasal, napapanatili ang pagsiil sa kababaihan. Ito ay mas mapapalawig sa bandang pagtatapos ng diskusyon.
Mas napapanatili din ang kapit ng patriyarka sa lipunan sa pamamagitan ng kasal dahil ipinapakita nito na ang pagiging kasal ay isang kalagayang nakatataas at pinapaboran. Ngunit sa katotohanan, walang pagkakaiba ang pagiging malaya sa pagiging kasal. Ang dalawa ay dalawang bahagi ng iisang proseso, at sa totoo lang ay iisa lang naman ang tinutukoy—iisang tao. Balikan natin ang diskusyon sa unang bahagi ng kabuuan ng diskusyong ito: ang tungkol sa bigas, palay, sinaing, at kanin. Mula sa pagiging isang malaya ay ikaw ay magiging isang asawa, pero ikaw pa rin ang tinutukoy. Walang esensyal na pagbabago sa iyong pagkatao. Bagkus, ang pagkakaibang ito ay hindi umusbong mula sa iyong pagkatao. Ang pagbabago mula sa pagiging isang malaya tungo sa pagiging isang asawa ay hindi pangloob na pagbabago. Sa halip ito ay isang bagay na panglabas, na banyaga, na hindi natural o hiyang sa iyong pagkatao. Ito ay bagkus isang kathang lipunan lamang.
Dito makikita na ang basehan ng tunggalian ay isang kawalaan. Wala itong matatag na basehan; ito ay wala. Ngunit ang tunggalian ay kitang-kita at talagang nararamdaman. Ang relasyon ng dalawang taong hindi pa kasal ay naipagtitibay ng kasal lamang sa mata ng lipunan; and isang taong malaya naman talí na kaagad ng kasal, ng konsepto nito. Maliban pa dito, ang mapanlinlang na pagpapakita sa pagiging kasal bilang nakatataas ay hindi nakikita bilang isang panlilinlang. Sa halip ito ay tinatanggap bilang katotohanan.
Sa ating diskusyon, naipakita kung bakit isang panlilinlang ang pagiging nakatataas ng kalagayan ng pagiging kasal. Sa kasamaang palad ito ay tinatanggap pa rin bilang katotohanan. Ito malamang ay dahil malalim na ang kapit nito sa ating kultura, sa ating pag-iisip, sa ating lipunan at mga institusyon nito. Muli, kahit ito ay isang panlilinlang, matindi ang epekto nito sa lipunan at sa mga indibidwal na tao.
Sa proseso ng pagiging isang asawa mula sa pagiging isang malaya ay maaaring makita bilang paglipat mula sa pagiging dehado tungo sa pagiging nakatataas. Ngunit ito ay isang pagtingin na hindi lamang nakakapanlinlang, ito ay isang pagtingin na mali. Ang bagong kalagayan na ito, ang kalagayan ng pagiging kasal—pagiging nakatataas—sa totoo lang ay isa muling kalagayan ng pagiging dehado. Sa anong paraan? Sa bagong kalagayang ito, ang kalagayan ng pagiging kasal, ang dating malaya na ngayon ay isang asawa ay pumapasok sa isang kalagayan na siya ay magiging dehado ulit. Ang nakatataas na taong kasal ay sa totoo dehado rin sa kalagayan ng pagiging kasal. Ang nangyayari ay hindi man lang pagbabaligtad ng tunggalian, kundi isang pagpasok sa isa pa muling tunggalian.
Paano ito nagiging pagpasok sa isa pa muling tunggalian? Tingnan natin ang tradisyunal na struktura ng kasal: ito ay pinapasukan ng isang lalaki at isang babae. Ang kasal ay pagsasama ng isang lalaki at isang babae, at sa sitwasyong ito nakikita kung paano nagiging paraan ito ng pagpapanatili ng patriyarka. Dito kasi maaaring ilagay sa konkretong sitwasyon ang tunggalian sa pagitan ng babae at lalaki na tinuligsa ni Cixous. Ayon ay Friedrich Engels, “Ang nangungunang pagsisiil na lumilitaw sa kasaysayan ay sumasabay sa tunggalian sa pagitan ng lalaki at babae na nasa loob ng kasal”. Tingnan natin ito nang mas mabuti. Ang ina ang ilaw ng tahanan, at ang ama ang haligi ng tahanan. Ang babae ay pasibo, ang lalaki ay aktibo. Sa tradisyunal na kasal, makikita na ang babae ang dehado, at ang lalaki ang mas nakatataas. Babae na nga ang kailangang magpalit ng pangalan, siya pa ang napipiit sa pagiging tradisyunal na nangangasiwa sa bahay; siya ang nagdadalantao, at siya pa ang tradisyunal na tagapangalaga ng bata. (Sa usapin din ng pagkakaroon ng anak makikita kung bakit ang tunggalian na nagaganap sa loob ng kasal ay wala ring basehan. Babae ang nagluluwal ng sanggol, at bagkus babae lang, at hindi naman talaga lalaki, ang sigurado kung sino ang anak niya.) Ang ganitong sitwasyon sa kasal ay tinatawag ni Christine Delphy na isang domestic mode of production, isang kontrata para sa paggawa. Hindi lamang isang pagpapanatili ng patriyarka ang nagaganap, kundi isa din itong manipestasyon ng kapitalismo (itong aspetong ito, siyempre, ay masyado nang malaki para sa ating diskusyon). Kaya ito nagiging paraan ng pagpapanatili ng patriyarka dahil ang tungklin ng babae ay limitado lang sa bahay at sa gawaing-bahay. Ang ganitong sitwasyon ang mas lalong dumidiin sa pagiging pasibo ng babae at aktibo ng lalaki, at sa tunggalian sa pagitan ng dalawa. Ito ang bagong tunggalian na papasukin matapos iwan ang tunggalian sa pagitan ng taong malaya at ng taong kasal.
Kakasa ka nga ba sa kasal? Sa katunayan, walang iisang solusyon sa problemang ito, ang problema ng kasal. May mga masasabing sagot o solusyon na maaaring maglikha pa muli ng isa pang panibagong problema. Kung sabihin natin na ang pagiging isang malaya naman ang paboran, ito ay lilikha lamang ng isa pa muling tunggalian, isa pa muling sitwasyon ng diskriminasyon. Ang pinaka linalayon ng diskusyong ito sa gayon ay maipakita ang nakatagong tunggaliang ito, ang mga pagsisiil na tinatago ng mapanlinlang na katotohanan, at marahil sa proseso ay makatulong sa iba sa kanilang pagdedesisyon kung ang mahahaba-habang lakarán ay sa altár nga ang kahahantungan.

Isang Sanggunian para sa Isinagawang Pagsasalin ng mga Salita
Inggles Pilipino
binary oppositions tunggalian
privileged term nakatataas
“unprivileged” term dehado
Western Kanluranin

No comments:

Post a Comment